Lunes, Hulyo 8, 2013

never ending you (for Angie, my wife)

A superb narrative
cultured in a framework
enlarged in a content
of attained selection
to spell and
blend the happiness
within you
just for you.

A wall illuminates
enthralling uniquely
since magic decides
on its own masters
to collect the goal
from the original scales
within you and
just you

Now stories and generations
collected in past and present
blending at conscious fiction
achieved between distance
to differentiate contemporaries
that voices the circuit
within you and
you

never ending you

Biyernes, Hulyo 5, 2013

Sa muli, aking uulitin para sa'yo (tula para kay Angie)

Sa muli, aking uulitin
para sayo
sa mga padaplis na sulyap
para sayo
may nais akong ipabatid,
mula sayo
ang paglipad ng pag-iisa
dahil sayo
sa mga dantay sa bisig
mula sayo
sa pagbubuo ng aking puso
para sayo
taimtim na naghihintay
mula sayo
upang sa palagi't lagi
dahil sayo
pinapatawag ng tibok ng puso
para sayo

Inuukit sa liwanag
mula sayo
ang mga salitang:
dahil sayo...
Hindi tiyak kung sino
para sayo
Hanggang sa buuin ko ang sarili
para sayo
sa oras na ito na nabubuo
dahil sayo
nanatili ang pagbabanghay
dahil sayo
patuloy na nararamdaman
mula sayo
at bakit ako lalayo't lilisan
para sayo?
kung nanatili't mananatili ako
para sayo.

Nais kong makilala mo ako
dahil sayo
maabot ang kaibuturan ng sarili
mula sayo
Matigil sa pagkatuliro ng isip
dahil sayo
Maunawaan ang kaisahan nito
para sayo
Gusto kong malaman mo, na ako'y
para sayo.

Huwebes, Hulyo 4, 2013

Ganito nabuo ang aming bahay

Dala-dala ang mga gamit
habol habol ang oras
di intindi ang takot
ako may nanginginig sa pangamba
sa kalawakan ng lupain,
malayong malayo ang sarili
sa tinatapakan lupa.
At kung makita ka ng iba,
alam nila - sa kanilang mga mata.
At kung makilala ka ng iba,
alam nila - para sa kanila:
Iskwater...
Taga looban...
Salaula...
Barumbado...
Tamad...
Adik...
Walang isip...
Walang kinabukasan...

Walang sinumang nangahas
na tanungin ako,
kung saan talaga kami tumitira.
Sinesante sa diwa na kami'y dayo.
Wala sa karamihan, iba sa lahat.
Ibang tao ang nahihiya sa aming kinalalagyan
Inaari't Kinekwento pa sa iba
ang aming kalagayan.
Nilalagay sa mga drama -
mula sa pagkakaintindi nila:
Iskwater...
Taga looban...
Salaula...
Barumbado...
Tamad...
Adik...
Walang isip...
Walang kinabukasan...

Martes, Hulyo 2, 2013

Para sa Malaya

Sa paglayo ng pahanon
Maraming nakakawiling pangyayari -
lugar at pangyayari
ngunit sa mga ito
naalala ko pa din ang Malaya

Minsan na akong tumayo sa bukana ng eskinita
Nasisinagan ng araw mula sa mga siwang ng kahoy at butas ng yero,
Habang tinitignan ang kalsada
ang ingay nito sa mga dumadaan

Nababalot ng malagkit na hamog,
bigla nitong naantig ang paroot paritong ingay sa daan,
isang magiliw na pagpapanumbalik ng lakas.

Ang maliliit na mga butas ng yero
mga sadyang bituin kumikinang sa araw
Nagagawa nitong isang malaking kalawakan
Mga saksi sa pagitan ng langit at lupa

Ingay man ito ay katahimikan
Ang Malaya ay nakatayo sa gitna ng kalangitan
Pinaliliwanag ng kislap ng dikit dikit na yero
Binubuo ng iba't ibang laki ng tabla at kahoy.

Di ko malilimutan
Ang kahanga hangang pagkalikha -
paulit-ulit na pag guhit ng tanong na bakit?
Bagay na kailangan kong maunawaan.

Ang mga ulol

Sa liwanag
mahamog hamog pa
nagsisimula ang lahat ng kalupaan,
hindi pansin, wala naman din tayongn pakealam.
sa dala nitong gaan
sa ginagawang daan.
pag-alala lamang ang iniintindi.
Paano kakain at matutulog,
pagkatapos ng mahaba habang
litanya wala pa ding paghihirap,
samantala kahit kulay ng paligid
idinudura lamang sa kasikatan ng araw,
kahit tumakbo'y iisipin mo kailangan maging masaya.

"Oo, ikaw nga?",tingin mo'y hindi ka hinahamak.
"Hindi!" malaking kahangalan,
sa pag-alam ng isang malaking kasinungalingan.
Nangangalawang ka na sa kalibugan,
sa makukulay na mga laway,
kala mo'y dinadamitan ka pero
hinuhubaran,
Ngumunguya ka't ikaw pala ang nginunguya.
Ngayon, sabihin mo na ito ang reyalidad?
Isang hinamak!
Oo nga't makulay ang mga salita,
ngunit isa namang hangal at tangang
umaakyat sa pedestal ng palaruan
ng mga diyos na nakaupo
sa pagitan ng mga plastik at lata,
sila ang mga lumikha ng pekeng
kalangitan.
At ikaw - 
naglalayaw, nagkandarapa.

Matatag ka kung ituring,
di pagigiba,
isang imahe ng iglesia,
mga templo at kaharian:
"Hindi!" niloloko ka ng mga estatwa,
nilalagay ang sarili
sa disyertong templo -
pandaraya.
Maayos sa bawat pagkakataon,
inilalagay ang sarili
sa magandang kulungan -
makulay at malinis,
payapang nakaupo't nangangarap,
payapa ding uhaw sa laman,
pandaraya at katotohanan
ipinagsama sama.

Simbolo ng isang ibong malaya
singbangis ng nauulol na asong gutom,
mahabang nakatitig sa pagkatulala,
patungo sa paikot-ikot na direksyong pababa,
Pagkatapos,
tapos,
Papadulas ipapagaspas
naputol na pakpak
sa mga nakangangang nagaabang,
tumutulong laway
kahit anong klaseng paningin
nawawala ang kaluluwa ng
tinitignan na may pag-asa...

At
ang lahat ng ibon, lahat ng kabangisan
inaalala pa din sa magdamag,
Hangal! Tanga!

Ikaw na paulit-ulit tanungin
sarili ay iba sa mga hayop
Turing kawangis ng diyos,
Pinara piraso ang buong pagkatao
WInasak wasak habang nakakapit
at sabihing maging masaya - 

Ito ka nga lang mismo,
nangangarap na maging ibon,
nangangarap na malaya...

Sa dilim
sa pagkawala ng liwanag,
paunti unting kakaritin 
ang mga alaala.
sa pagitan ng mga berde't pulahan
sa kagilagilalas na kalupaan,
walang kamatayang inggit ang uukil -
iisipin na may kalaban,
sa bawat gawing hakbang,
at hahamakin ang lahat ng nakakadiri,
isasabay sa paglamon ng liwanag.

Kaya nga,
sarili ay parating ibinabaon,
sa pagitan ng kalokohan,
sa pagitan ng katotohanan,
sa araw,
sa nakakapang hinang liwanag,
magpabulusok lang pababa,
isa pa din lang ang katotohanan
ito ay sa isang banda - 
sa pagkagutom
sa pagkauhaw
sa walang hanggan
Paano nauuhaw ba ang isang tanga?
Sa lahat ng dapat na katotohanan
na itinapon na sa kawalan.