Martes, Hulyo 2, 2013

Ang mga ulol

Sa liwanag
mahamog hamog pa
nagsisimula ang lahat ng kalupaan,
hindi pansin, wala naman din tayongn pakealam.
sa dala nitong gaan
sa ginagawang daan.
pag-alala lamang ang iniintindi.
Paano kakain at matutulog,
pagkatapos ng mahaba habang
litanya wala pa ding paghihirap,
samantala kahit kulay ng paligid
idinudura lamang sa kasikatan ng araw,
kahit tumakbo'y iisipin mo kailangan maging masaya.

"Oo, ikaw nga?",tingin mo'y hindi ka hinahamak.
"Hindi!" malaking kahangalan,
sa pag-alam ng isang malaking kasinungalingan.
Nangangalawang ka na sa kalibugan,
sa makukulay na mga laway,
kala mo'y dinadamitan ka pero
hinuhubaran,
Ngumunguya ka't ikaw pala ang nginunguya.
Ngayon, sabihin mo na ito ang reyalidad?
Isang hinamak!
Oo nga't makulay ang mga salita,
ngunit isa namang hangal at tangang
umaakyat sa pedestal ng palaruan
ng mga diyos na nakaupo
sa pagitan ng mga plastik at lata,
sila ang mga lumikha ng pekeng
kalangitan.
At ikaw - 
naglalayaw, nagkandarapa.

Matatag ka kung ituring,
di pagigiba,
isang imahe ng iglesia,
mga templo at kaharian:
"Hindi!" niloloko ka ng mga estatwa,
nilalagay ang sarili
sa disyertong templo -
pandaraya.
Maayos sa bawat pagkakataon,
inilalagay ang sarili
sa magandang kulungan -
makulay at malinis,
payapang nakaupo't nangangarap,
payapa ding uhaw sa laman,
pandaraya at katotohanan
ipinagsama sama.

Simbolo ng isang ibong malaya
singbangis ng nauulol na asong gutom,
mahabang nakatitig sa pagkatulala,
patungo sa paikot-ikot na direksyong pababa,
Pagkatapos,
tapos,
Papadulas ipapagaspas
naputol na pakpak
sa mga nakangangang nagaabang,
tumutulong laway
kahit anong klaseng paningin
nawawala ang kaluluwa ng
tinitignan na may pag-asa...

At
ang lahat ng ibon, lahat ng kabangisan
inaalala pa din sa magdamag,
Hangal! Tanga!

Ikaw na paulit-ulit tanungin
sarili ay iba sa mga hayop
Turing kawangis ng diyos,
Pinara piraso ang buong pagkatao
WInasak wasak habang nakakapit
at sabihing maging masaya - 

Ito ka nga lang mismo,
nangangarap na maging ibon,
nangangarap na malaya...

Sa dilim
sa pagkawala ng liwanag,
paunti unting kakaritin 
ang mga alaala.
sa pagitan ng mga berde't pulahan
sa kagilagilalas na kalupaan,
walang kamatayang inggit ang uukil -
iisipin na may kalaban,
sa bawat gawing hakbang,
at hahamakin ang lahat ng nakakadiri,
isasabay sa paglamon ng liwanag.

Kaya nga,
sarili ay parating ibinabaon,
sa pagitan ng kalokohan,
sa pagitan ng katotohanan,
sa araw,
sa nakakapang hinang liwanag,
magpabulusok lang pababa,
isa pa din lang ang katotohanan
ito ay sa isang banda - 
sa pagkagutom
sa pagkauhaw
sa walang hanggan
Paano nauuhaw ba ang isang tanga?
Sa lahat ng dapat na katotohanan
na itinapon na sa kawalan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento