dalawang tula ng pagkabangungot (kung makakapagsalita lang ang bagyo)
Anong uri ng pagkabuhay ang pagkasalig sa siga,
Pumapailalim ang kamalayan sa liyab ng metapora.
Maaligasgas ang amoy ng usok sa paglukob sa kaiburan.
Isang ritwal sa pagitan ng blangko at liwanag!
Hindi makabilang ang hangal.
Ibubulong na lamang: (sigaw)
Umabot ang bukas, nakita ang sarili sa tagpuan ng mutang isinumpa.
Nalasahan ang alat ng abo mula balahibong nahinog.
Umaasang makakatulong ang alkemiya upang umusok ang mga salita.
Ngunit kasing iksi ang haba ng gabi,
ang kaloobang pumapanaw.
Sumasalamin
Pangitain ang pangamba ng pagkalunod sa tubig
Malaking matang nakatambad ang dagat,
May sariling ibinubunyag.
Nakagitna sa kristal ang pagkapatlang sa pananaw ng nakangising nakapangaasar.
Nanunudyok na ang pagsulong ay kaligtasan na,
ngunit matapang na asul ang iniikutan ng alon.
Habang ang kalatagan ay namumutiktik ang mga matigas na matang nakatingala.
Pumipintig ang pagkauhaw.
Ang alamat ay naging kababalaghan.
Ang pagtigil ng pagduyan ay naging himala.
Isang paghehele ng panganib sa di natatapos na pag-aruga,
ang mga haplos ng alon sa kati,
ang lusaw na paghatak,
ang paghatak ng bughaw.
bait sa pagpipigil,
makapipigil sa katinuan,
isang pagbabakasaling paglalayag.
Sa karagatan ng isang sinapupunan.
*binasa ko ang tulang ito noong ikalawang taon na ng CCW-PUP, November 30, 2013
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento